[10.15.2007]
October 12 nun. Ramadan. Syempre, day-off ko sa PASI (Philippine Animation Studio, Inc.) Tambay na naman. Dapit hapon na nun. Pinuntahan ko yung isang tropa ko sa subdivision namin. Si Tita Malyn (mommy nya) ang nag-entertain sa’kin. Tulog! Badtrip! “sige, tita, wag nyo na gisingin para makapagpahinga sya…” ayun. Batsi ako. Pero… “teka lang James, gusto mo, dito ka muna, kwentuhan tayo.” Sabi ni tita. eh di balik ako ng nakangiti. Masarap din kasi kausap si tita Malyn. Hindi nakaka-umay. Cool kasi sya. Umupo kami sa tindahan malapit sa kanila. Sa kamag-anak nila yung tindahan na yun. Nandun si Tito Jong (matalik na kaibigan nila tita Malyn.) Nung una, Nahihiya pa akong makipag-usap sa kanya. Bago ko pa lang kasi kakilala. Ang tahimik ko dun. Parang hindi ako. Nabibingi ako sa katahimikan ko nun. Nagsounds ako. Gusto ko na sanang umalis na nun para makatambay ako sa computer shop ni DJ. Pangalawang bahay na rin kasi ng buong tropa sa subdivision yun. ngunit, parang kabute, bigla nalang sumulpot si dianne kasama yung boyfriend nya, si Bong. Nagdate yata dala nung orange na kotse ni bong. Nagdate yata. Si Dianne ay pamangkin ni Tita Malyn. Tapos, para akong sinakluban ni satanas nang sabihin ni tito jong: “Inuman tayo dito! Sama ka, James!”. Ayun. Hindi na ako makatanggi nang nilabas na nila yung dalawang boteng matador. Nakalatag na ang lahat, shock parin ako. Kung tutuusin, first time ko na uminom na puro “oldies” ang kasama. Ewan. Feeling ko kasi,boring yung ganun. Pakiramdam ko, ang daming limitasyon. Umiinom ka nga, para ka namang baguhang seminaristang ayaw masira ang pangalan. Hindi ako makapagmura. Asar!
Napansin ko sa kanila, kahit walang “po” at “opo” sa pangungusap ng mga nakababata sa kanila, okay lang sa kanila. “Aba! Bastos tong hinayupak na ‘to ah!” sa loob-loob ko nung kausap ni Nikko si tita Malyn. Si Nikko ay isang matalik naming kaibigan na walang ginawa sa buhay kundi mang-asar. Anyway, kung ganoong paraan nya kinausap ang lola ko, kailangan na nyang magpaalam sa pagkakaibigan namin habangbuhay. Pero mag mga nakatatanda palang ganun. Hindi ko lang alam kung in-adopt lang nila yung ganoong paraan ng pakikipag-usap sa kanila --- Tipong tininggap nalang nila kasi wala na silang magawa --- o mas komportable sila na ganun. Ewan. Basta ako, I’ll stick to the norms I grew up with. Wala namang mawawala. Isa pa, nasanay na kasi ako.
Grabe… ibang klase pala ang tagayan nila dito. Kanya-kanyang dampot sa bote, salin sa baso, sabay lagok! Nung una, nagche-chaser pa ako. Kaso tubig! Asar! Sana may lasa manlang… Ayun. Maya-maya, wala nang laman ang aking sisidlan na naglalaman ng mahiwagang likidong ginagawa kong pampawala ng pait ng makapangyarihang likidong nakaka-adik. Ayun. Tinira ko yung matador ng walang chaser. Ang sarap pala… ramdam na ramdam yung kaluluwa nung alak… gumagapang sa bunganga at ilong… tapos parang may kuko… kumakapit… ang sakit pero ang sarap…
Maya-maya, nagkwentuhan na sila. Nagulat ako! Kasi walang pinagkaiba yung paraan ng pagkukwentuhan nila sa paraan ng pagkukwentuhan namin sa tropa pag nag-iinuman. Parang mga bata kung magtawanan yung mga nandun. Parang ka-edad ko lang sila. Ang saya nito… sali ako… nakikitawa na ako. Aba! Si tito Jong, kausap si Bong. Nagpapayabangan! Paramihan ng kayamanan. Umabot sa puntong mamahaling alak daw iniinom nila, hanggang sa hindi daw sila kumakain ng pagkaing pangmahirap. Sosyal daw ang chocolates nila at hindi “choconut” lang. Ang nakakatuwa, nilalabas ni tito Jong yung iniyayabang nya… heheh… eh di meron kaming “Lay’s”, “Piknik”, at “Cadbury – Fruits and Nuts.” Sa loob-loob ko, “magyabang ka pa tito Jong! Go Bords! Suportahan kita!” Tawa ako ng tawa nung gabing yun. hindi ko inaasahan na magiging ganito kasaya kasama ang mga matatanda. Madami din kasi akong natutunan kay tito Jong. Kinuwento kasi niya yung nangyari sa nakaraan nya. Ganun daw pala yun. pag nasa kritikal na kondisyon ka na sa ospital at madami nang aparato ng ospital ang nakakabit sa katawan mo, nakakatakot daw. Tipong mapapanaginipan mo ang itsura ng langit at ang pagpunta mo dun. Hindi ko lang maikwento sa kanila na naranasan ko na yun pero hindi ko naramdaman yung takot at mga panaginip na ganun kundi impyernong sumusunog sa katawan ko. Pero wag mong isiping napaka makasalanan ko kaya yun ang nakikita ko. Gising kasi ako nang maramdaman ko bawat sakit na idinudulot ng impyernong yun.
Maraming mukha ang impyerno. At nakita ko na ang tatlo sa mga yun. Una, nung elementary palang ako, apat na beses akong ipinasok sa operating room ng mary chiles hospital sa manila dahil sa komplikasyon sa baga dahil sa “cyst” na namuo sa bandang ibaba ng kili-kili ko. May nana daw na bumabalot sa baga ko. Rare case daw yun. namuhay ako ng higit sa 2\dalawang buwan na may tubong nakakabit sa baywang ko para higupin yung nana pagkatapos buksan at halukayin ng mga doktor yung katawan ko na naglagay sa’kin ng bente mahigit na “stitches.”
Pangalawa, highschool pa ako, ayokong ikwento. Masyado nang personal. Tunkol kasi sa pag-ibig. At sigurado akong naranasan mo na rin ito.
Ikatlo, college, nag-working student ako nun. Sa Tropical Hut. Nagli-lipat kami ng used oil nun papunta sa tapunan kasi pinalitan na yung sa fryer. Pinalamig na namin yung mantika. Parang sobrang bilis nung mga pangyayari. Nadulas ako. Bumuhos sa sahig yung mainit na mantika. Nagulat nalang ako, lumalangoy na ako sa likidong tila impyerno sa init. Natunaw yung plastic gloves ko… natunaw yung ibang parte ng pantalon ko… yung gloves at pants ko dumikit na sa balat ko. Hanggang buto nararamdaman ko yung init. Para akong sinisilaban. Umaapoy. Ganun pala ang pakiramdam ng porkchop pagka hinulog na sa kawali! Heheh… sinugod nila ako sa ospital. Pero hindi ako nakalagay sa stretcher. Tumakbo kami sa ospital. Pagdating sa ospital, dun na ako nawalan ng malay sa sobrang sakit. Nagising nalang ako, may benda na ako sa mga parteng na-prito sa katawan ko. Wala akong fingerprints! Natakot ako! Naisip ko nun lahat ng puwedeng mangyari sa taong walang fingerprints. Ayun. Tinakot ko lang pala ang sarili ko. Tumutubo daw pala ulit yun. ligtas na ako.
Balik sa inuman, nakakainggit si Bong. Sana may kotse din ako. Iba din si tito Jong… galante… natawa sila nung magsalita ako: “meron pa?”, “chocolate!”, “parang gusto ko ng matamis…”, at “penge pa po…” lasing daw ako?! Sober pa ako, noh! Seryoso kaya yun! eheheh…
Natapos na yung inuman. Ligpitan na. Kinamayan ko si tito Jong… kinawayang sila tito at tita na parents ni Dianne… nagpaalam kina Dianne at bong… niyakap si tita Malyn at nagpasalamat… at umalis ako at umuwi ng may ngiti sa mukha at kislap sa mga mata…
_________